Farmers and Fisherfolks Week, muling ipinagdiwang sa lalawigan ng Camarines Norte

“Magsasaka’t mangingisdang Pilipino, saludo ang buong bansa sa sipag, tibay at lakas ninyo.”

Ito ang naging tema ng National Farmers and Fisherfolks Month na ginanap noong buwan ng Mayo. Bilang pagpupugay sa mga magsasaka’t mangingisda, ipinagdiwang din ang Farmers and Fisherfolks Week dito sa ating lalawigan noong nakaraang huling linggo ng Mayo. Ito ay alinsunod na din sa Provincial Ordinance 44-2018 na nagdedeklara sa huling linggo ng Mayo bilang Farmers and Fisherfolks’ Week sa lalawigan.

Sa isang linggong selebrasyon ginanap ang mga aktibidad na nagpasaya at nagbigay-pugay sa mga magsasaka at mangingisda ng lalawigan. Binuksan ang pagdiriwang ika-27 ng Mayo taong 2019 kung saan nagkaroon ng zumba na nilahukan ng mga magsasaka, mangingisda, mga kababaihan at mga kawani ng tanggapan ng Panlalawigan at Pangbayang Pansakahan. Nagkaroon ng maikling programa na pormal na nagpasimula ng selebrasyon. Sa araw ding iyon ay ginanap ang iba’t ibang palaro tulad ng farm family relay, farm family quiz, crab race at fishnet mending. Ipinakita rin ang iba’t ibang produkto ng bawat bayan sa kanilang agricultural products display booth.

Sa ikalawang araw ay ipinagdiwang ang araw ng Pambansang Mananalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP). Ang samahan ang nagsisilbing pederasyon ng mga asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda. Ito ay dinaluhan ng mga miyembro

ng iba’t ibang asosasyon, 4-H, RIC at mga opisyal ng Agriculture and Fishery Councils (AFC). Si Bokal Reynoir “Bong” Quibral ang nagsilbing panauhing pandangal sa aktibidad. Sa kanyang mensahe, nagbigay pugay siya sa sipag ng mga magsasaka at mangingisda ng lalawigan. Binigyang tuon din nya na ang mga aktibidad tulad ng mga pagsasanay ay mas mainam na dalahin mismo ng pamahalaan sa mga barangay upang ‘di na gumastos ang mga magsasaka at mangingisda patungo sa bayan. Mas magiging komportable din diumano sila sa kanilang sariling lugar.

Sa araw ding iyon ay nagbigay ng updates ang NFA tungkol sa mga regulasyon at maaring matamong insentibo mula sa pagdadala ng palay sa kanila. Ang Kagawaran ng Pagsasaka naman sa pamamagitan ng kanilang kawani na si G. Alex Atian ay nagbigay impormasyon sa mga programa tungkol sa palay tulad ng HYTA, Inbred at Hybrid Model Farms. Nagkaroon din ng pagtalakay tungkol sa pagpapabuti ng kalusugan at alternatibong gamot sa mga karaniwang sakit. Isang kawani din ng isang kumpanya ng pestisidyo ang nagpresenta.​

Mga magsasaka habang nakikilahok sa Quiz bee bilang bahagi ng pagdiriwang ng Farmers and fisherfolks Week

Sa ikatlong araw ng selebrasyon ginanap naman ang Rural Improvement Clubs Achievement and Recognition Day. Dumalo ang napakaraming mga kababaihan mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan suot ang kanilang Filipinianang kasuotan. Ginanap sa araw na iyon ang pagpupugay kay Maria Y. Orosa, ang nagtatag ng Home Extension sa bansa. Nagkaroon din ng paligsahan sa pagluluto at pagsayaw. Nagdala at nagbenta rin ang mga kababaihan ng mga kakanin at iba pang naprosesong pagkain.

Samantala, ang AFC Volunteers’ Day ay nasa pangalawang taon nang isinasagawa sa lalawigan na ginanap noong ika-30 ng Mayo 2019 sa little Theater Provincial Capitol Compound. Kabiliang ito sa mga highlight activity ng Farmers’ and Fisherfolk’s Week Celebration na nagsimula noong May 27-31, 2019 sa bisa ng Provincial Ordinance No.44-2018.

Dumalo ang mga AFC volunteers mula sa pribado at pamahalaang sektor, gayundin ang mga haligi ng AFC. Ipinahatid ni RED Ellen delos Santos ng DA ang kanyang mensahe sa pamamagitan ni Senior Science Research Specialist Maria Christina Campita ng DA-ROS. Ayon sa kanyang mensahe, patuloy na maglalaan ng suporta ang Kagawaran mula sa produksyon, pagproseso, post harvest at marketing sa mga magsasaka at mangingisda at gayundin ang patuloy na paghikayat na sumapi ang mga ito sa mga farmer at fisherfolk associations upang mas mapadali at maging epektibo ang pagbibigay ng serbisyo.

Ang PCAF Executive Director Sarah Gutierrez-Cayona ay nagpaabot ng kanyang mensahe sa pamamagitan ni Ms. Catherine Viray, PCAF Area-wide Coordinator sa Bicol. Ayon sa mensaheng ipinarating sa AFC members “Your commitment to share your time and competence is truly remarkable.”Binigyan-diin niya ang kanyang hamon sa mga miyembro at opisyales ng AFC-Camarines Norte na magsama-sama at magtipon ng mga bagong karunungan at ideya at maisalin at magamit ito na maging policy recommendations.

Ang Farmer-Director at RAFC Chairperson Alfredo Rillo ay nagpaabot ng kanyang pakiki-isa at nagpatunay ng pagiging effective working partner ng konseho sa Pamahalaang Panlalawigan. Isang ehemplo sa pagtupad na ang AFC ay siyang boses at tulay ng mga magsasaka at mangingisda.

Nagpa-abot din ng pagbati at pagsuporta sa gawaing AFC ang OIC-Director Ariel U. Pioquinto ng BFAR RO5 sa pamamagitan ni G. Jose Urbano, Jr. ng BFAR Provincial Fishery Office, Mercedes, Camarines Norte.

Nagkaroon ng paligsahan na nilahukan ng mga miyembro ng AFC.  Ang mga nagwagi ay pinagkalooban ng cash prize, trophy at certificate of participation.

AFC Spotted:    
Unang puwesto –  Dhonald Jay Verana
Ikalawa            –  Rubelyn Balon
Ikatlo               –  Rosemarie Hernandez

AFC Kantahan:    
Unang puwesto –  Meriam Sto. Tomas
Ikalawa            –  Joey Hermo
Ikatlo               –  Nica Mae Molar

AFC Henyo:    
Unang puwesto –  Melchor Estremera
Ikalawa            –  Jornic de Guzman
Ikatlo               –  Felix Bagayawa

Sa pagkakataong ito nagbigay din ng pagkilala ang Pamahalaang Panlalawigan at ang PAFC sa MAFC- Labo at MAFC- Sta. Elena na parehong ginawaran ng Commendable Council Performance Award  mula sa DA-RAFC noong taong 2017 at 2018 sa Naga City. Tumanggap ng kaparehong  Certificate of Recognition si G. Gilbert Cribe, MAFC Coordinator ng Labo at Gng. Marilyn del Moro, MAFC Coordinator ng Sta. Elena.  Nabigyan din ng Certificate of Recognition ang mga LGU’s ng 12 bayan sa paglalaan ng pondo para sa MAFC operation at pagtalaga ng MAFC Secretary.

Ang pagbibigay ng parangal na ganito ay paghahanda sa kanilang paglahok sa taunang paligsahan ng PCAF para sa Search for Outstanding AFC Chairpersons and Coordinators at Outstanding Municipal Agriculture and Fishery Council Category ng Kagawaran ng Pagsasaka.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *